Walang dapat ikabahala sa pagsasailalim kay Pangulong Rodrigo Duterte sa endoscopy at colonoscopy, isang linggo na ang nakakaraan.
Ito ang iginiit ng Malacañang kasunod ng naging pag-amin ni Pangulong Duterte sa kanyang naging talumpati sa isang clinical forum sa Lapu-Lapu City nitong Biyernes na sumailalim siya sa dalawang nabanggit na medical procedure.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bahagi lamang ang nasabing mga procedure sa routine check-up ng Pangulo at walang dapat ikabahala ang lahat.
Magugunitang noong Biyernes inamin ni Pangulong Duterte na sinabi ng kanyang gastroenterologist na si Dr. Joey Sollano na meron siya barrett esophagaus at pinayuhan siya nitong itigil na ang pag-inom.
Nitong Agosto naman sinabi rin ng Pangulo na nakararanas siya ng tuloy-tuloy na pananakit ng likod bunsod ng tinamong spinal injury matapos maaksidente sa motor.
—-