Magsisimula na ang Judicial and Bar Council (JBC) sa pagsala ng mga aplikante para sa mababakanteng pwesto sa Supreme Court O SC.
Umaabot na sa labindalawa (12) ang mga aplikante para sa babakantehing posisyon sa SC ni Associate Justice Bienvenido Reyes na umabot na sa mandatory retirement na 70 years old sa July 16.
Kabilang naman sa mga posibleng pagpipiliang magiging susunod na mahistrado ng Korte Suprema ay sina Supreme Court Chief Administrator Midas Marquez;
Ilang justices ng Court of Appeals (CA), sa pangunguna ni AJ Japar Dimaampao at walong (8) iba pa kabilang ang isang Regional Trial Court (RTC) Judge ng Pasig na si Judge Rowena Apao-Adlawan at Vice Dean ng Centro Escolar University College of Law na si Atty. Rita Linda Ventura Jimeno.
Inaasahang daraan sa mabusising public interview ang mga aplikante bago maglabas ng shortlist ang JBC na pagpipilian ng Pangulo maliban na lamang sa ilang nominadong epektibo pa ang naunang public interview na balido sa loob ng isang taon.
SC nagtalaga ng mga korteng dirinig sa lumulobong cyber-crime cases
Nagtalaga na ang Supreme Court o SC ng mga korteng dirinig sa lumulobong cyber-crime cases at mga kahalintulad na paglabag.
Sa full court ruling ng SC, itinalaga nito ang ilang branch ng mga Regional Trial Court (RTC) upang i-prayoridad ang mga cyber-crime case sa ilalim ng Republic Act 10715 o Cyber-Crime Prevention Act of 2012.
Batay sa kautusan ng high tribunal, magsisilbing cyber-crime court ang mga RTC Branch na itinalagang Special Commercial Court na binuo noong June 17, 2003.
Ang mga nasabing Korte sa judicial region ay binigyan ng territorial authority sa buong rehiyon.
Ipina-alala naman ng Korte Suprema sa mga litigant na ang mga kaso ay dapat isampa sa Office of the Clerk of Court sa mga official station ng mga proper cyber-crime court.
By Drew Nacino |With Report from Bert Mozo