Idinepensa ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pag relieve sa puwesto ng mga Chief of Police gayundin ang hindi pagsibak kay Manila Police District (MPD) Director Senior Superintendent Joel Coronel.
Ayon kay Dela Rosa, magkaiba ang sitwasyon at mga insidenteng nangyari sa pagsalakay ng National People’s Army (NPA) at pagsabog sa Quiapo, Maynila.
Sinabi ni Dela Rosa na sa panig ni Coronel, nakita niyang ginawa nito ang lahat para maka-responde sa nasabing pagsabog samantala nagpabaya ang mga pulis nila sa ilang lalawigan kaya’t nakalusot sa pagsalakay ang NPA.
Bato kumbinsidong may kinalaman sa personal na away ang nangyaring kambal na pagsabog sa Quiapo, Maynila
Hindi kumbinsido si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na walang kinalaman sa personal na away ang nangyaring kambal na pagsabog sa Quiapo, Maynila noong isang linggo.
Sinabi ni Dela Rosa na hindi ipapangalan kay Atty. Nasser Abinal ang package na may lamang pampasabog kung hindi siya ang target nito.
Ayon kay Dela Rosa, kung terorista ang nasa likod ng nasabing pagsabog dapat ay inilagay ito sa isang lugar kung saan marami ang casualties at hindi ipapadala sa isang indibidwal lamang.
Una nang itinanggi ni Abinal na may indibidwal na galit sa kaniya kaya’t naniniwala itong terorismo ang nangyaring pagsabog.
Sitwasyon sa Quiapo, Maynila balik normal na
Balik na sa normal ang sitwasyon sa Quiapo, Maynila, isang linggo matapos ang nangyaring kambal na pagsabog na ikinasawi ng dalawa (2) katao.
Ayon sa Philippine National Police o PNP, nagsimula nang magbukas ng kanilang mga pwesto ang mga negosyante sa mga lugar na malapit sa pinangyarihan ng pagsabog.
Para di na maulit ang nangyari, dinagdagan na ng PNP ang mga pulis na maglilibot sa paligid ng simbahan ng Quiapo.
Tiniyak din ng mga residente sa Quiapo na agad makikipagtulungan sa PNP sa oras na may kahina-hinalang bagay o tao sa kanilang lugar.
By Judith Estrada – Larino / Ralph Obina