Nagpasaklolo na ang human rights group na Karapatan sa United Nations (UN) hinggil sa paghahasik ng gulo at karahasan ng paramilitary group sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Sa kaniyang liham, hiniling ni Karapatan Secretary General Christina Palabay sa UN na imbestigahan na ang mga kasong pagpatay sa 3 pinuno ng katutubong Lumad na sina Emerito Samarca, Dionel Campos at Bello Sinzo.
Nais din ni Palabay na tingnan ng UN ang banta ng armadong grupo na papatayin din ang mahigit 2,000 katutubo na siyang dahilan ng paglikas nito sa isang Sports Complex sa Tandag City.
Kabilang sa pinadalhan ng liham ng grupo ang apat na repporteur na sina Michael Frost, Christof Heyns, Victoria Lucia Tauli – Corpuz at Chaloka Beyani.
UN, tinanggap na ang liham ng Karapatan
Natanggap na ng mga opisyal ng United Nations ang ipinadalang liham ng grupong Karapatan.
Ito’y upang hilingin sa UN na imbestigahan ang walang habas na pagpaslang sa tatlong Lumad leader at pananakot sa mga katutubo sa Surigao del Sur.
Ayon kay Cristina Palabay, Secretary General ng grupo, nakatanggap na siya ng acknowledgement mula sa 4 na special rapporteurs ng UN.
Giit ni Palabay, dapat malaman ng international community ang ginagawang pang-aagrabyado sa mga katutubong Lumad na pinalalayas sa sarili nilang lupain.
By Jaymark Dagala