Mariing kinondena ng isang human rights group ang umano’y iligal na pagsalakay sa mga opisina ng ilang grupo sa Bacolod City.
Ayon sa Karapatan, tina-target ng mga otoridad ang mga opisina ng Gabriela, Bayan Muna at National Federation of Sugar Workers sa lugar sa pamamagitan ng mga isang search warrant.
Iginiit ng karapatan, nagagamit lamang ang mga search warrant para taniman ng mga ebidensiya ang ilang indibiduwal o mga opisina ng ilang mga makakaliwang grupo sa lugar.
Batay sa impormasyon mula sa Police Regional Office 6, nagpalabas ng apat na search warrant si Quezon City Regional Trial Court Branch 89 Executive Judge Cecily Burgos-Villavert laban sa mga umano’y mga safehouse ng mga komunista sa Bacolod City.
Umaabot sa sampung indibiduwal ang naaresto ng mga otoridad sa ikinasa nilang magkakahiwalay na operasyon sa barangay Bata, barangay Taculing at barangay Libertad sa Bacolod City.
Nakumpiska rin sa mga ito ang iba’t-ibang klase ng mga armas, patalim, granada at mga bala.