Ipapagamit ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang presidential lounge para sa pagdating sa bansa ni Miss Universe Pia Wurtzbach bukas, Sabado Enero 23.
Alinsunod ito sa inaprubahan na rekomendasyon ng Public Affairs Office ng MIAA.
Inaasahang darating sa bansa si Wurtzbach sa NAIA Terminal 2 bandang alas-6:00 ng umaga, bukas.
Si Wurtzbach ay manggagaling sa Jakarta, Indonesia sakay ng Philippine Airlines flight PR 536.
Grand Parade
Ipinorma na din ang isang mala-reynang pagsalubong sa pagdating ni Wurtzbach.
Bukod sa parada, isang courtesy call ang ibibigay ni Wurtzbach kay acting Makati Mayor Romulo ‘Kid’ Peña sa city hall sa Martes (Enero 26) alas-11:30 ng umaga.
Ayon kay Peña, labis ang kagalakan ng mga residente at empleyado ng lungsod ng Makati na personal na makita si Wurtzbach matapos na masungkit nito ang korona.
Nakatakdang magsimula ang grand victory parade alas-1:30 ng hapon mula Hotel Sofitel sa kahabaan ng Roxas Boulevard, diretso sa may Buendia (Gil Puyat) Avenue sa Makati.
Sasalubungin si Pia at ang buong entourage nito sa pagdaan sa Ayala Avenue ng mga confetti showers mula Makati business establishments, habang ang mga Makati students mula sa kalapit na eskuwelahan ay imbitado rin na saksihan ang naturang event.
By Meann Tanbio | Raoul Esperas (Patrol 45) | Mariboy Ysibido