Umabot sa hazardous o mapanganib na lebel ang kalidad ng hangin sa Metro Manila noong pagsalubong ng bagong taon.
Sa monitoring ng EMB o Environmental Management Bureau, umabot sa hazardous level ang air quality index sa Pasay at Parañaque kahapon ng madaling araw ilang oras matapos ang magarbong fireworks sa ilang establisyimento.
Pumalo naman sa very unhealthy level ang hangin sa Pasig at Muntinlupa.
Ayon kay EMB Assistant Director Vizminda Osorio, ang maruming hangin ay direktang makaaapekto hindi lamang sa baga kundi posible rin itong mag–trigger ng heart attack.
Tambak na basura, sumalubong sa bagong taon
Tambak ng basura ang naiwan matapos ang pagsalubong sa bagong taon sa maraming lugar sa bansa.
Umabot sa halos tatlumpu’t limang trak ng basura ang nakolekta sa Divisoria sa Maynila kung saan kinakailangan pang gumamit ng payloader para lamang malinis ang lugar.
Kaugnay nito pinayuhan ang mga stall owner na linisin ang kani–kanilang pwesto bago maligpit para maiwasan ang kalintulad na eksena.
Hindi rin nawala ang basura sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila at Litex road sa Quezon City.
Tambak na basura din ang pinagtulungang ligpitin sa pamilihang bayan ng Laoag, Ilocos Norte gayundin sa Calamba, Laguna; Surigao City; Surigao del Norte at iba pang lugar.