Dapat nang i-prayoridad ng gobyerno ang mga makataong solusyon upang maibsan ang transport crisis, na dulot ng mahal na krudo, mahabang pila ng mga commuter at kakulangan ng public transport.
Ito’y bunsod ng patuloy na pagdami ng mga isyung kinakaharap ng mga mananakay, partikular sa Metro Manila, lalo ngayong holiday season.
Iginiit ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President Mody Floranda na sa halip na hintaying bumaba ang presyo ng krudo, dapat magkaroon ang gobyerno ng regulatory jurisdiction sa local price.
Ito’y sa pamamagitan ng pag-classify bilang urgent sa House Bill 400, na inihain ng Makabayan Bloc upang maibsan ang pasanin ng transport sector at mga mananakay.
Kung ang kaduda-dudang Maharlika Fund ay paspasang ipinasa ng kamara sa loob lang ng dalawang linggo, dahil pinaratsada ni Pangulong Bongbong Marcos, kataka-taka anyang natatagalan ang mga mambabatas na magpasa ng mga mas makabuluhang batas na magpapagaan sa gastusin ng mga mamamayan.
Ipinunto ni Floranda na bagaman maganda ang hangarin na i-prayoridad ang large-scale transport infrastructure projects tulad ng mga tren, dapat ding tutukan ang low-income filipinos, na karamiha’y sumasakay ng jeep bilang abot-kayang transportation mode para sa mga maikling biyahe.
Samantala, ipinanukala rin ng PISTON ang pagpapalakas sa local manufacturing ng modern jeepney sa pamamagitan ng paggamit sa natural resources ng bansa at iwasang umasa sa importasyon.