Nagkakaisa ang mga kandidato sa pagka-bise presidente na dapat paunlarin at ayusin ang mass transit sa bansa.
Ito ang tugon ng anim na vice presidential bets sa tanong kung paano nila masosolusyunan ang problema sa trapiko partikular na sa Metro Manila.
Para kay Senador Gringo Honasan, iminungkahi nito ang pagkakaroon ng land use planning gayundin ang engineering, edukasyon at enforcement o pagpapatupad ng batas trapiko.
Sa panig naman ni Senador Bongbong Marcos, sinabi nitong dapat bawasan ang mga sasakyang bumabagtas sa mga lansangan ng Metro Manila upang masolusyunan ang trapik.
Bus rapid transit at pagpapalawig ng Philippine National Railways o PNR at ang fixed salaries sa mga tsuper ng bus naman ang nakikitang solusyon ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Political will naman ang iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano sa pagpapatupad ng ginawang master plan ng Japan International Cooperation Agency o JICA para masolusyunan ang trapik.
Habang pagsibak kay Transportation Secretary Jun Abaya naman ang para kay Senador Francis Escudero na aniya’y tinik sa dibdib ng mga pasahero sa araw-araw.
By Jaymark Dagala