Pinamamadali na ni Senator Bong Revilla, Jr. sa Department of Public Works and Highways ang pagkumpuni sa mga nasirang imprastruktura, gaya ng mga tulay at dike dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng.
Si Revilla ang Chairman ng Senate Committee on Public Works at kabilang siya at kanyang pamilya na pawang taga-Cavite na matinding nasalanta ng bagyo.
Sa kanyang sulat kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, tinanong ng Senador kung kakayanin ba ang repair sa loob ng anim na araw.
Inihalimbawa naman ng Senador ang nangyaring magnitude 9.1 na lindol sa Japan noong March 2011, na umabot lang umano ng anim na araw ang pag-repair sa mga kalsada.
Pinagsusumite rin ng mambabatas si Bonoan ng report sa kabuuang pinsala ng mga pampublikong imprastruktura kabilang ang mga tulay, dike, flood control structures.
Tiniyak naman ni Revilla na hihingin niya sa Senate Committee on Finance na isama sa 2023 National Budget ang pondo para sa repair ng mga imprastruktura. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)