Kapwa suportado ng ilang senador ang hakbang ng DOLE o Department of Labor and Employment na isabatas na lamang ang regulasyon sa endo o mas kilala bilang end of contract sa mga kumpanya.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, tama lamang ang naging hakbang ng pangulo na gawin na lamang batas ang pagsugpo sa endo imbes na magpalabas pa ng executive order hinggil dito.
Aniya, kapwa may pananagutan ang ehekutibo at ang lehislatura para matukoy ang mga kinakailangang pamamaraan upang kapwa hindi madehado ang mga empleyado gayundin ang kanilang mga employers.
Ganito ang dapat namin gawin, kikilos ang legislative branch, irereview namin kung mayroon bang deficiency ‘yung current law. Tama ‘yung pahingi ng listahan ng mga company na nagsasagawa ng endo para pakiusapan ng presidente o ng Secretary of Labor na itigil niyo muna ‘yang endo ninyo. Pakitingnan na rin ng Labor ‘yung dalawang department orders na ginagamit ng mga companies sa pag-jujustify nila ng endo. Pahayag ni Pimentel
Sa panig naman ni Senador Sonny Angara, panahon na rin naman aniyang kumilos ang Kongreso para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa nang hindi nalalagay din sa alanganin ang kalagayan ng mga kumpanya.
Ito ang naging pangako ng ating Pangulo, na i-eenforce nila nang husto itong ban sa illegal contractualization. Pinapayagan ang contractualization kapag seasonal worker, temporary worker. Palagay ko puwede pang maghigpit doon sa implementasyon ng batas, hindi naman tatakbo ang isang negosyo na wala ang empleyado nila. Pahayag ni Angara