Muling ipinanawagan ng independent group na nagtataguyod ng mga karapatan ng mga ordinaryong mamamayan na Citizenwatch Philippines sa Kongreso ang pagsasabatas ng sim card registration bill.
Kasunod ito ng refiling ng kahalintulad na panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa ilalim ng bill, i-re-require na ng telecommunication companies sa publiko na i-register ang kanilang mga biniling sim card at i-activate upang ma-protektahan ang mga user laban sa cyber scams at ibang krimen.
Ayon kay Atty. Tim Abejo, co-convenor ng Citizenwatch Philippines, kailangan ang nasabing bill dahil sa paglipana ng mga scammer, trolls at disinformation agents.
Kung irerehistryo anya ang mga sim card, na naka-link sa social media accounts, matutukoy na ang pagkakakilanlan ng mga online scammer, trolls at disinformation peddlers at makakasuhan na ang mga ito.
Magugunitang vineto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang bersyon ng sim card registration bill, noong Abril.