Dismayado ang Department of Health (DOH) sa pag-lapse bilang isang ganap na batas ng Vape Bill.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Malakanyang ang ulat makaraang hindi i-veto ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang nag-re-regulate sa importasyon, paggawa at pagbebenta ng vape at novel tobacco products.
Gayunman, inihayag ni Maria Rosario Vergeire, officer-in-charge ng DOH na itutuloy pa rin nila ang pangangaral sa publiko sa masamang dulot ng vape at tobacco products.
Titingnan naman ni Vergeire kung posible pa sa susunod ng Kongreso na isulong ang pag-review sa batas.
Kabilang ang DOH sa mga tumutol sa Vape Law na layuning ibaba sa 18 mula sa 21 ang edad ng mga pwedeng gumamit ng Vape at E-cigarette.
Taliwas kasi anila ito sa public health goals na layong maprotektahan ang mga kabataan laban sa usok na inilalabas ng mga produkto.