Lagda na lamang ng Pangulong Benigno Aquino III ang kulang para maging batas ang panukalang P2,000 dagdag sa buwanang pensyon ng mga senior citizens.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares, hindi na dadaan sa Bicameral Conference Committee ang panukalang pag-amyenda sa Section 12 ng Social Security Act of 1997 dahil sinunod na lamang ng senado ang bersyong inakda niya sa House of Representatives.
Isinantabi ni Colmenares ang mga agam-agam na ang pagtaas ng pensyon ng mga senior citizens ay makadagdag sa sinasabing nalalapit na pagkaubos ng pondo ng SSS.
Umaasa si Colmenares na makahabol sa Pasko ang pagsasabatas sa dagdag pensyon na inaasahang magbibigay ng benepisyo sa tinatayang 2 milyong SSS pensioners.
“Hindi naman sinasabi ng SSS na maba-bankrupt siya, ang sinasabi ng SSS yung pondo niya up to 2029 lang eh sabi ko 2015 pa lang ngayon, 14 years away pa yan kasi napakababa ng kanilang collection rate, ang collection rate nila is 38 percent lang, ibig sabihin hindi nila nakokolekta lahat ng mga premium na siningil sa mga manggagawa so sabi ko sipag-sipagan lang sana ng SSS kahit kalahati lang ng dapat kolektahin, pag-prosecute syempre sa mga malalaking employers na hindi nagre-remit ng kontribusyon.” Pahayag ni Colmenares.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas