Dapat na umanong itigil ang pagsasabi ng “i will kill you” o “papatayin kita” ng mga taga-Administrasyong Duterte kasabay ng kampanya kontra iligal na droga.
Sinabi ni Akbayan party-list representative Tom Villarin, tila napadadalas ang pagsabi nito.
Noong una, si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi at kamakailan lang, sa bibig naman ni PNP chief director general Ronald Dela Rosa namutawi ang pangungusap na ito.
Ayon kay Villarin, para bang lagi na lang papatayin ang mga drug suspect.
Kailangan aniyang masunod ang due process kung saan inosente ang isang akusado hangga’t hindi napatutunayan ang kanyang sala.
Kailangan din aniyang masampahan muna ng kaso ang isang suspect upang magkaroon ng paglilitis at hindi basta papatayin na lamang.
Paalala ni Villarin, nagiging bukambibig na rin ng mga estudyante ang nasabing pangungusap at tila nagiging tama para sa kanila ang pumatay ng isang akusado, partikular ng isang drug suspect.
Iginiit ng Congressman na kailangan magwakas na ang kultura ng karahasan kaya dapat nang tigilan na ang pagsabi ng “i will kill you.”
By: Avee Devierte / ( Reporter No. 7 ) Jill Resontoc