Inaprubahan na ng Commission on Elections o COMELEC en banc ang planong paggamit ng mga pasilidad ng mga shopping mall para gawing voting centers sa susunod na taon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, lumusot na sa en banc ang naturang plano matapos ang idinaos na regular session kahapon.
Sinabi ni Bautista na anim na commissioner ang pumabor sa prinsipyo ng mall voting habang isa lamang ang kumontra.
Giit ni Bautista, natapos na ang draft ng memorandum of agreement o MOA at kasalukuyan na itong nire-review ng mga commissioner at ng law department ng ahensya.
Kabilang sa mga posibleng pagdausan ng botohan ang Fisher Mall sa Quezon Avenue sa Quezon City; Robinsons Magnolia sa Aurora Blvd. sa Quezon City; SM Aura sa Taguig City, at Lucky China Town sa Binondo, Maynila.
By Jelbert Perdez