Hinimok ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang Department of Education (DEPED) na magsagawa ng “make-up classes” at “training” para makabawi ang mga mag-aaral sa dalawang taon na “subpar learning” dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Balisacan, napakahalaga ang isang learning catch-up plan upang makatulong na makakuha ng mas magandang oportunidad ang mga mag-aaral.
Karamihan kasi aniya sa mga estudyante sa Pilipinas ay naka-online class kung saan pinaniniwalaan ng mga eksperto na hindi ito pareho sa in-person schooling.
Ayon pa kay Balisacan, maaaring sa pamamagitan ng pagsasanay higit na sa basic mathematics ang karagdagang pag-aaral na ibigay sa mga estudyante na nasa elementarya at sekondarya.
Habang catch-up training at internships naman para sa mga college students.
Nabatid na plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang 100% face-to-face classes sa nobyembre.