Pinag-aaralan na ng COVID-19 task force ang posibilidad ng pagsasagawa ng multiple voting days para sa 2022 national elections upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na iniiwasan nila ang pagsisiksikan at pagkukumpulan ng mga tao sa polling precincts na kadalasang sanhi ng pagkalat ng sakit tulad nang nangyari sa US at India.
Nakikipag-ugnayan na anya ang Inter-Agency Task Force at National Task Force against COVID-19 sa Commission On Elections (COMELEC).
Tiniyak naman ni Galvez na sasamantalahin nila ang mahabang panahon ng preparasyon upang makapaglatag ng kongkretong plano.
Karaniwan na ang mala-pyestang scenario sa Pilipinas tuwing halalan kaya’t bukas ang IATF sa mga posibleng pagbabago na ipatutupad sa May 2022 national polls lalo’t may banta pa rin ng COVID-19.—sa panulat ni Drew Nacino