Inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagpapaliban sa nakatakdang pagsasagawa ng national census sa huling bahagi ng taon.
Ito ay matapos matanong si acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua kung maaaring pagsabayin ang contact tracing sa COVID-19 at ang pagsasagawa ng census sa pagdalo nito sa pagdinig ng senado.
Ayon kay Chua, natalakay niya na sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang mungkahing mailipat sa Setyembre ang pagsasagawa ng census sa halip na ngayong Mayo na deklarado bilang National Census Month.
Ito aniya ay bilang pagsasaalang-alang na rin sa kaligtasan at kalagayang pangkalusugan ng mga field workers ng PSA.
Dagdag ni Chua, nakatakda na rin silang magpadala ng pormal sa sulat sa Kamara at Senado para hilingin ito.