Tututukan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa mga lugar na may mababang immunization rates o bilang ng nababakunahan.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) co-lead Dr. Kezia Lorraine Rosario, target ng pamahalaan na magasagawa ng special vaccination days bilang kapalit ng buwanang National Vaccination Days.
Kabilang sa tinukoy na lugar ng NVOC ang Cotabato at Cebu, ilang bahagi Lanao Del Sur, ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pinakamababa sa mga rehiyon sa bansa.
Posible rin aniyang isagawa na ito sa katapusan ng Marso o di kaya sa unang linggo sa susunod na buwan.
Pag-amin pa ni Rosario, hirap talaga ang pamahalaan na kalabanin ang vaccine hesitancy sa ilang lugar sa bansa gaya ng Cebu.
Pero tiniyak nito gagawin nila ang lahat para maprotektahan ang bawat Pilipino mula sa nakakahawang sakit.
Matatandaan nito lamang nakaraang linggo nang matapo ang ika-apat na yugto ng Bayanihan Bakunahan program kung saan naabot ng pamahalaan ang siyam na pu’t limang porsyento ng target na isa punto walong milyong indibidwal. – sa panulat ni Abie Aliño-Angeles