Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng mga pampublikong paaralan na magsagawa ng unannounced earthquake at fire drills upang mapataas ang kaalaman ng mga mag-aaral at personnel kaugnay sa mga dapat gawin tuwing may kalamidad.
Nakasaad sa nilagdaang DepEd order no. 53 ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, na obligado ang lahat ng mga eskwelahan na magkasa ng nasabing drills.
Ipinunto ng ahensya na mahalagang preventive measures ang local drills at simulation exercises upang malaman ang mga escape route at maipatupad ang mga wastong hakbang sa oras na tumama ang kalamidad.
Kaugnay nito, inatasan ang mga school head, sa tulong na rin ng School Disaster and Risk Reduction Management Coordinators, na pangunahan ang pagpaplano, implementasyon, at regular na pag-monitor sa pagsasagawa ng nasabing drills sa kani-kanilang mga paaralan.
Ipinag-utos din ng DepEd sa lahat ng mga eskwelahan sa National Capital Region, Rizal, Cavite, Laguna, at Bulacan na bumuo ng hiwalay at specific disaster plan para sa magnitude 7 o higit pa na lindol.
Sinabi pa ng ahensya na maaari ring i-adopt ng mga pribadong paaralan, community learning centers at maging ng state universities and colleges ang mga probisyon ng nasabing kautusan.