Inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi pa napapanahon ang pagsasailalim ng buong bansa sa Alert level 1.
Kasunod ito ng pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na ilagay na ang buong bansa sa Alert level 1 at buksan na ang mga paaralan para tuluyan nang maipatupad ang face-to-face classes.
Ayon kay Duque, marami pang lugar sa bansa ang hindi pa nakakaabot sa sukatang itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sinabi pa ng kalihim na hindi pa handa ang buong bansa sa pinaka mababang Alert level dahil marami parin ang may mataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Dagdag pa ni Duque, masyado pang maaga at kailangan pang magdoble ingat ng publiko upang hindi magkaroon ng COVID-19 surge.
Matatandaang sinabi ng dating Presidential Spokesperson at IATF Co-Chairman Karlo Nograles na ang mga criteria upang maisailalim sa Alert level 1 ang isang lugar ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng low to minimal risk case classification, 50% total Bed Utilization Rate, 70% full vaccination ng target population, at 80% full vaccination ng A2 priority group o ang mga senior citizens o target population.
Sa kasalukuyan, tanging nasa ilalim ng Alert level 1 ang Metro Manila at 38 pang lugar sa bansa hanggang Marso a-15. —sa panulat ni Angelica Doctolero