Planong isailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang San Fernando City, La Union simula Oktubre 1-14, upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon sa City Inter-Agency Task Force against COVID-19, ipatutupad ang nasabing quarantine status sa Biyernes, sa sandaling aprubahan na ito ng provincial government at ng regional IATF.
Paliwanag ni City Health Office Medical Officer Dr. Joseph Alves, mayroon ng kaso ng delta variant sa lugar, mahigit 100 frontliners na ang tinatamaan ng covid-19 at umabot na sa 100% ang utilization rate ng mga ospital at isolation facilities.
Maliban dito, sinabi pa ni Alves na maraming residente ang lumalabas ng bahay at tila walang pakialam sa virus.
Kaugnay nito, inatasan na ang lahat ng miyembro ng City COVID-19 Technical Working Group na madaliin na ang pagsasaayos at paghahanda ng kakailanganin para sa ipatutupad na lockdown.
Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 1,101 ang active cases ng COVID-19 sa San Fernando City, La Union.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico