Inirekomenda ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) ng buong Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon kay DOH-CAR Regional Director Dr. Ruby Constantino, isinumite ang naturang rekomendasyon sa ginanap na pulong ng DOH at IATF noong Biyernes.
Kasunod na rin ito ng pagkaka-detect sa 11 kaso ng bagong variant ng coronavirus sa isang barangay sa Bontoc, Mountain Province.
Gayunman, sinabi ni Constantino na mas makabubuti kung localized lockdown na lamang ang ipatupad sa halip na isailalim sa GCQ ang buong rehiyon dahil mababa pa transmission rate sa ibang lugar sa CAR.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng modified GCQ ang CAR hanggang katapusan ng Enero alinsunod sa naunang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre.