Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief General Camilo Cascolan ang pagsasailalim sa lifestyle check ng lahat ng mga pulis, mula sa mga opisyal hanggang sa mga mabababang ranggo.
Ayon kay Cascolan, pangungunahan ito ng Integrity Monitoring and Enforcement Group katuwang ang Internal Affairs Service (IAS) ng PNP.
Partikular na tututukan ng dalawang unit ng PNP ang pagtukoy kung maluho ang pamumuhay ng mga pulis at kung may ibang kinikita ang mga ito maliban sa kanilang buwanang suweldo.
Pinababantayan din ni Cascolan ang transaction ng bawat police unit.
Ani Cascolan, ang naturang mga hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng PNP kontra katiwalian alinsunod na rin sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin mula sa kurapsyon ang buong pamahalaan.
Binigyang diin naman ng PNP chief na papanagutin at papatawan ng nararapat na parusa ang sinumang pulis na mapatutunayang sangkot sa anumang uri ng katiwalian. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)