Muling nagpulong kanina ang Disaster Response cluster ng Pamahalaan upang alamin ang pinakahuling update hinggil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses sa bansa.
Pinangunahan ito ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Sec. Delfin Lorenzana sa kanilang punong tanggapan sa Kampo Aguinaldo.
Napagkasunduan sa nasabing pulong ang rekumendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim na sa State of Calamity sa buong isla ng Luzon dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng mga nagdaang Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Pinagtibay din sa nasabing pulong ang pagbuo ng isang Technical Working Group para sa prevention, mitigation at preparedness clusters ng NDRRMC upang silipin naman ang kasalukuyang estado ng mga Dam.
Inatasan din ni Lorenzana ang PAGASA na muling balikan ang historical data nito upang mapalakas pang lalo ang kanilang paglalabas ng babala bago pa tumama sa bansa ang isang bagyo.
Magugunitang lumabas sa naging pulong nitong linggo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tila kapabayaan ng mga Dam Managers sa Magat at Angat na siyang itinuturong may sala sa malawakang pagbaha sa Cagayan, Isabela, Marikina at Rodriguez sa Rizal dahil sa kawalang babala umano ng mga ito sa Lokal na Pamahalaan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)