Naghahanda na ang Malacañang para sa gagawing transition o pagsasalin ng kapangyarihan sa susunod na presidente ng bansa.
Tiniyak ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na gagawin ng ehekutibo ang angkop na aksyon para matiyak ang mapayapa at maayos na pagsasalin ng kapangyarihan.
Bukod dito, sinabi ni Coloma na naghahanda na ang ibang tanggapan ng kanilang transition report na maaaring gawing gabay ng mga papalit sa kanila.
Matatandaang sa election message ni Pangulong Benigno Aquino III, inihayag nitong karangalan niyang maging bahagi ng mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan sa ilalim ng demokratikong proseso.
Election Results
Tanggap ng Malacañang ang naging resulta ng katatapos na 2016 presidential elections kung saan nabigo ang pambato ng administrasyon.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na nagsalita na ang taumbayan at iginagalang nila ito.
Naitatag na aniya ang Daang Matuwid at batay sa naging pangako ng mga tumakbong kandidato, handa nilang ipagpatuloy ang mga programang pangmahihirap at mga inisyatiba para mapanatili ang matatag na ekonomiya at pag-unlad.
Idinagdag pa ni Coloma na palitan man ng ibang pangalan ang daang matuwid, mananatili ang layunin at epekto nito sa publiko at maging bahagi ng prinsipyo ng isang maayos na pangangasiwa at responsableng mamamayan.
Kahapon ay tinanggap na ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas ang kanyang pagkatalo sa nangungunang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)