Suportado ng isang dating government adviser ang plano ng Department of Health na muling ipanukala ang pagbigay ng bagong depinisyon sa terminong “fully vaccinated” upang isama ang mga indibidwal na nakatanggap na ng unang covid-19 booster.
Inihayag ni National Task Force Against Covid-19 Medical Adviser Dr. Ted Herbosa na maraming mga bakuna ang nagre-require ng tatlong doses gaya sa polio at hepatitis b.
Sang-ayon si Herbosa sa mungkahi na gawing tatlo talaga ang depenisyon ng tinatawag na fully vaccinated para mas maraming tao ang mapo-protektahan lalo na’t magbabalik-eskwela na ang maraming bata ngayong buwan.
Mahalaga anya ang pagpapabakuna ng booster dahil ang immunity kontra covid-19 ay humihina pagsapit ng ikatlo o ika-anim na buwan matapos makatanggap ng primary vaccine series.
Una nang sinuportahan ni Herbosa ang hirit ni dating presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na lagyan ng expiry date ang validity ng vaccination cards at palitan ng booster cards upang hikayatin ang publiko na magpaturok ng covid-19 boosters sa gitna ng pandemya.