Ikinalugod ng Philippine Army ang pagsasampa ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pulis na nakapatay sa dating sundalong si Winston Ragos sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City noong Abril.
Ayon kay Philippine Army Commanding General, Lt. General Gilbert Gapay, umaasa silang malaki ang pag-usad ng kaso para sa inaasam na katarungan ng Pamilya Ragos.
Tiwala din si Gapay na sa huli ay lalabas at mananaig din ang katotohanan sa kaso ng pagkamatay ng dati nilang kasamahang sundalo.
Binigyang diin pa ni Gapay na ang kaso ni ragos ay isang pagmulat sa seryosong usapin ng mental health na nararapat lamang bigyan ng angkop na atensyon at pang-unawa.
Kahapon pormala na kinasuhan ng death investigation division ng NBI si Police Master Sgt. Daniel Florendo at apat pang police trainees na sina Joy Flaviano, Arnel Fontillas, Dante Fronda at Dalejes Gaciles.