Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng kaso laban sa apat na pulis at tatlong tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng tinaguriang “Commonwealth Misencounter”.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief Pbgen. Roderick Augustus Alba na ang hakbang ay magbibigay ng pagkakataon sa mga nasasakdal na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.
Ipauubaya na aniya ng PNP ang kapalaran ng mga akusado sa korte, bilang bahagi ng due process.
Magugunitang nagsagawa ng magkahiwalay na operasyon ang mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa isang mall sa Commonwealth Avenue, nang mangyari ang misencounter noong Pebrero ng nakaraang taon, na nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao.
Ang mga ahente ng PDEA na sina Khee Maricar Rodas, Jeffrey Baguidudol at Jelou Santiniaman ay kakasuhan ng homicide sa pagkamatay ni PCPL Eric Garado.
Habang ang mga pulis ng QCPD na sina PCPL Paul Christian Gandeza, PLT. Honey Besas, PMAJ. Sandie Caparroso at P/Smsg. Melvin Merida ay kakasuhan ng direct assault dahil sa pananakit umano sa PDEA agents. - sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)