Pinag-aaralan ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang pagsasampa ng kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, isang araw bago ang Labor Day.
Ayon kay National Federation of Labor Union President Jobel Diocares, lumabag si Pangulong Duterte sa Article 13 Section 3 ng konstitusyon kung saan nakasaad ang pagbibigay garantiya ng pamahalaan sa regular na trabaho.
Dagdag ni Diocares, kanila na ring kinakausap ang iba pang malalaking grupo ng mga manggagawa para plantsahin ang planong pagsasampa ng kaso gayundin ang pagkalap ng mas mabigat na ebidensiya laban sa Pangulo.
Samantala, tiniyak naman ni Kilusang Mayo Uno o KMU Chairman Elmer Labog na kasado na ang kanilang ikakasang malawakang kilos protesta bukas, Araw ng Panggawa.
Aniya, tinatayang aabot sa mahigit isang daan at limampung libong (150,000) mga manggagawa sa buong bansa ang makikiisa sa protesta.
Habang posible naman aniyang umabot sa walumpong libong (80,000) mga manggagawa mula sa kalakhang Maynila ang lalahok sa kilos protesta sa Mendiola na magsisimula dakong alas-9:00 ng umaga bukas.
”Magiging isang pambansang kilos protesta at hindi lamang naka focus sa Metro Manila kundi sa maraming ano ng ating bayan sapagkat tila tinalikuran ni Pangulong Duterte yung kanyang matagal ng pangako na tapusin ang sistemang kontratuwalisasyon. Pinaasa tayong manggagawa e. Dalawang taon na diniribble-dribble at pina-ano yang executive order na yan.”