Kumbinsido si 1-Rider Party-List Rep. Rodge Gutierrez, na paglilihis lamang sa isyu ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang pagsasampa ng kaso ng mga kaalyado ng pamilya Duterte.
Ginawa ng Kongresista ang pahayag matapos sabihin ni dating house speaker at ngayo’y Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, na umaastang Korte at lasing sa kapangyarihan ang mga miyembro ng Kamara.
Ang pahayag ni Cong. Alvarez ay kaugnay ng pagkuwestyon ni Cong. Gutierrez na timing ang paghahain ng reklamo sa Ombudsman ng mga kaalyado ng mga Duterte sa kinakaharap na impeachment case ng bise Presidente.
Ayon kay Cong. Guttierez, iginagalang niya ang karapatan ng kapwa-mambabatas at iba pang indibidwal na magsampa ng kaso kaugnay sa budget insertions at budget blanks controversy.
Imbis aniya na diretsahang sagutin ang mga isyu, inililihis pa ito para linlangin ang publiko at siraan ang institusyon.
Matatandaang ilang mambabatas na rin ang pumuna kay Cong. Alvarez sa paghahain nito ng reklamo sa kabila ng pananahimik ng kongresista nang talakayin ang 2025 national budget sa plenaryo ng Kamara. – Sa panulat ni Laica Cuevas mula sa ulat ni Geli Mendez