Ipinauubaya na ng PNP sa Bureau of Immigration (BI) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga dayuhang nakilahok sa mga kilos protesta sa panahon ng APEC Summit.
Ayon kay APEC Security Task Force Spokesman Police Chief Supt. Wilben Mayor, isinumite na nila sa Immigration Bureau ang mga kaukulang ebidensya at pagkakilanlan ng mga dayuhan, kasama na rito ang mga larawan na lumabas sa mga pahayagan at maging sa social media.
Iginiit ni Mayor na batay sa umiiral na batas, walang karapatan ang mga dayuhan na sumali sa anumang political activity dito sa Pilipinas.
Ito’y sa kadahilanang hindi sila nagbabayad ng buwis sa Pilipinas kaya’t wala silang karapatan para kwestyunin ang mga nangyayari rito.
Kabilang sa nakitang kasama sa rally sa Buendia Avenue ay isang Canadian at isang Palestinian national.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal