Dapat palampasin ng poll body ang mga nag-aakusa tungkol sa pagsasagawa ng 2022 elections at ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga ito ay dapat na huling paraan.
Ito ang inihayag ni Commission on Elections commissioner George Garcia matapos ang mga panayam sa ilang Comelec officials partikular na si poll commissioner Rey Bulay na nagsabing hihingi ng tulong ang ahensya sa armed forces of the philippines o afp para arestuhin ang mga taong sasabotahe sa halalan.
Para kay Garcia, ang nasabing hakbang ay dapat na huling bala at huling paraan na dapat gawin ng Comelec.
Paliwanag pa ni Garcia na nirerespeto niya ang pananaw ni Bulay pero sa kaniya ang mga kritiko sa ahensya ay welcome hangga’t hindi ito fake news.
Una nang itinatag ng Comelec ang task force kontra fake news para labanan ang disinformation at kontrahin ang anumang pagtatangka na pahinain ang kredibilidad ng electoral process.