Malinaw na political harassment at isang panggigipit ang inihaing kaso at reklamo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre laban kay Senador Risa Hontiveros.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng minority senators na anila’y isang pagtatangka ng administrasyon na patahimikin ang mga nasa oposisyon.
Patunay lamang anila na matagal nang planado ang pagsasampa ng kaso laban kay Hontiveros batay sa nakitang text conversation ng kalihim sa isang Congressman Jing na kalauna’y tinukoy na si dating Negros Representative Jacinto ‘Jing’ Paras.
Giit pa ng mga mambabatas na pinu-protektahan ng oposisyon ang check and balance sa ilalim ng demokrasya na siyang dumirinig naman sa magkaibang tinig at opinyon sa iba’t ibang usapin na siyang tinatangkang sikilin at supilin ng kasalukuyang administrasyon.