Iginiit ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na hindi pamumulitika ang mga isinampang reklamo ng kanilang hanay laban kay Vice President Sara Duterte, ngunit pagtupad lamang sa kanilang mandato sa konstitusyon.
Ayon kay General Marbil, ang paghahain ng kaso sa sinumang indibidwal, anuman ang estado nito o katayuan sa pulitika ay salamin ng pagtalima ng PNP sa kanilang tungkulin sa bansa at sa sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin din ng opisyal na ang pagkilos ng pulisya ay pagpapakita ng pangil ng batas, na hindi ito natatakot sa sinumang akusado dahil walang pinipili ang hustisya.
Ipinunto pa ng PNP Chief na hindi nila hahayaang maulit ang kasaysayan kasunod ng inabot na pambabatikos ng ahensya matapos ang kontrobersyal na drug war campaign ng nakaraang administrasyon.