Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat masusing pag-aralan ang rekomendasyon ng House Quad Committee na sampahan ng kasong Crimes Against Humanity si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Pangulong Marcos, Department of Justice ang mag-a-assess ng rekomendasyon, na nakabatay sa resulta ng pagdinig ng mga mambabatas.
Mula rito ay DOJ aniya ang inaasahang magsusuri kung anong mga kaso ang maaaring isampa at magtutuloy sa case build-up sa pamamagitan ng pangangalap ng sapat na ebidensya.
Idinagdag pa ng Pangulo na DOJ din ang magsisiguro kung naaayon sa tamang proseso at batayan ang direksyon ng rekomendasyon ng komite ng kamara.
Bukod kay dating pangulong Duterte, kasama rin sa mga pinasasampahan ng kaso sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa; Senador Christopher “Bong” Go; dating PNP chiefs Oscar Albayalde; at Debold Sinas; dating police colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo; at dating assistant secretary ng special assistant to the president Irmina “Muking” Espino. – Sa panulat ni Laica Cuevas