Paiigtingin ng Pilipinas at Japan ang magandang relasyon nito lalo na sa pagtugon sa mga kalamidad at mabilisang pagbibigay tulong sa mga nangangailangan dulot ng sakuna.
Ito’y makaraang pumasok sa pagsasanay ang Philippine Army at ang Japan Ground Self-Defense Force para sa Japan-Philippines Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Training na isinagawa sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Pinangunahan nila Japanese Defense Minister Maika Saito, Japanese Defense Attache to the Philippines Col. Yu Nakano at Army’s 51st Engineer Brigade Commander Col. Jt Bajet ang opening ceremonies.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ni Col. Bajet na naka sentro ang kanilang misyon sa pagsagip ng buhay bilang pangunahing yunit ng Philippine Army na nakatoka sa disaster response.
Nagsagawa rin ng demonstration ang mga tropa ng 51st Engineer Brigade sa pamamagitan ng collapsed structure search and rescue para ipakita ang kahandaan ng mga sundalo sa pagsagip ng mga buhay sakaling may mga gumuhong gusali dulot ng sakuna. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)