Muling inirekomenda ni Senator Grace Poe, Chairperson ng Senate Public Services Committee, ang pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport upang maging mas maayos ang operasyon nito at maiwasan ang ibat-ibang uri ng aberya.
Ayon kay Sen. Poe, matagal na dapat isinailalim sa pangangalaga ng pribadong kompanya ang NAIA, para naiwasan ang pagkaantala sa mga flight na nagdulot ng libu-libong kanselasyon sa biyahe ng mga pasahero.
Naniniwala ang senador, na mas makakatulong sa turismo ng bansa kung ililipat ang pangangalaga nito, tungo sa mas magandang pasilidad.
Binigyang diin pa ni Sen. Poe, na kung ililipat ang NAIA sa pribadong kompanya, dapat masiguro ng gobyerno ang kakayanan nito na mapaganda ang serbisyo sa taumbayan at sektor ng transportasyon sa bansa.
Samantala, sang-ayon din si Senator Chiz Escudero, sa naging mungkahi ni Sen. Poe, upang mas maging maayos ang serbisyo at maitaas ang kapasidad nito pero dapat na maging malinaw ang tungkulin ng pribadong kompanya maging ng pamahalaan.