Inalmahan ng grupo ng mga commuter ang planong pagsasapribado ng operation at maintenance ng MRT-3 kapalit ng mas maganda umanong serbisyo.
Ayon sa the passenger forum (TPF), bagaman aminado ang gobyerno na nalulugi ito sa MRT-3, dapat isapubliko rin ng Department of Transportation ang iba pang kinakaharap na problema ng railway system.
Inihayag ni Primo Morillo, convenor ng TPF, marami nang naranasan ang mga Filipino sa privatization na kalauna’y hindi pumapabor sa interes ng publiko, partikular ng mga pangkaraniwang mamamayan.
Iginiit ni Morillo na kung palugi na ang MRT-3 ay sinong pribadong kumpanya ang mangangahas na mag-o-operate at mag-maintain nito gayong ang layunin ng private sector ay kumita.
Dahil dito, asahan na anyang tataas pa ang pasahe na tila hindi na-aangkop sa gitna nang kinakaharap na economic crisis dulot ng covid-19 pandemic, inflation at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa datos ng DOTr, aabot sa P9 billion ang operational at maintenance costs kada taon ng MRT-3 sa nakalipas na dalawang dekada.
Pero nasa P1.8 billion lamang ang taunang kinikita mula sa fare collection o 19% lamang ng annual expenses kaya’t lumalabas na nalulugi ang pamahalaan sa pag-o-operate ng MRT-3.