Pinayagan na ng Senado ang Blue Ribbon at Justice Committees na isapubliko ang mga impormasyong ibinunyag ni dating PNP CIDG head ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa executive session kaugnay sa mga pulis na sangkot sa pag recycle ng illegal drugs.
Si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang nag mosyon para maisapublko ang mga naturang impormasyon na pinaboran naman ng 17 senador.
Sinabi ni Dela Rosa na mayroong mga ispekulasyong sangkot si PNP Chief Oscar Albayalde sa umano’y agaw bato scheme kaya’t para patunayang wala itong katotohanan, dapat na mailantad ang mga impormasyong isiniwalat ni Magalong.
Sinuportahan naman ni Senate President Vicente Sotto ang nasabing pahayag ni Dela Rosa dahil marami talagang naglalabasang ispekulasyon sa nangyari sa executive session. — ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)