Anumang araw sa papasok na linggong ito, ilalabas na sa publiko ng DILG o Department of Interior and Local Government ang tinaguriang narco list.
Ito ang listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga halal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay DILG Spokesman Usec. Jonathan Malaya, handa na rin ang kanilang legal department sa kanilang pakikipag-ugnayan sa PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapasama sa listahan.
Giit ni Malaya, ang pagsasapubliko ng narco list ay magsisilbing gabay sa mga botante kung sino ang dapat nilang piliin para sa darating na halalan.
Kasunod niyan, nanindigan si malaya na ligal at dumaan sa tamang proseso ang ginawa nilang validation sa narco list at nagpapatuloy aniya ito hanggang sa kasalukuyan.