Suportado ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar ang mungkahi ng Department of Interior And Local Government (DILG) na isapubliko ang “narco-list” bago sumapit ang eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Andanar, malaki kasi aniya ang maitutulong ng planong ito ng DILG para gabayan ang mga botante sa kung sino ang mga dapat nilang iboto.
Ngunit iginiit ng kalihim, na dapat na tiyakin na ang mga pangalang mapapabilang sa naturang listahan ay ang mga pulitokong napatunayang sangkot sa iligal na droga.
Matatandaang, isiniwalat ni DILG Sec. Eduardo Año na marami sa mga “narco-politicians” ay nasa mga lalawigan ng Cebu at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi pa aniya maisapubliko ang mga pulitikong sangkot sa iligal na droga dahil kailangan pa nilang humingi ng go signal kay Pangulong Rodrigo Duterte.