Pinag-aaralan pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pagsasapubliko sa pangalan ng mga Pulis na mapapatunayang sangkot sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga sa bansa.
Kasunod ito ng 929 na bilang ng mga colonel at generals na nagsumite ng kanilang courtesy resignation bilang tugon sa panawagan ni Interior secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. kung saan, 24 pa ang hinihintay para sa kanilang resignation call.
Kabilang sa mga hindi pa nakakapagsumite ang mga matataas na opisyal na nakatalaga sa Visayas at Mindanao.
Nabatid na wala pang malinaw na pag-uusap at hindi pa buo ang desisyon ng dalawang ahensya kaugnay sa planong pagsasapubliko sa pangalan ng mga Narco Cop.
Matatandaang, una nang sinabi ni PNP Chief PGEN. Rodolfo Azurin Jr., na sang-ayon siyang isapubliko ang pangalan ng mga pulis na sangkot sa illegal drug trade pero nakadepende parin ito kung papayagan ng evaluation committee at national police commission.
Aminado ang DILG at PNP na wala pa silang hakbang sa mga natitira pang police officers na magmamatigas at hindi tatalima sa kanilang panawagan na tatagal lang hanggang sa January 31.