Pumalag si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa umano’y hilaw na pagsasapubliko ng pangalan ng pitong hukom na kasama sa ‘narco-list’ ni Pangulong Rodrigo Duterte
Sa liham ni Sereno na ipinadala kay Pangulong Duterte, binigyang diin nito na tanging ang Korte Suprema lamang ang awtorisadong magdisplina sa mga miyembro ng hudikatura.
Sinabi pa ni Sereno na makakasama ang ginawang pagpapangalan ng Pangulo sa pagganap sa tungkulin ng mga hukom bilang protektor ng constitutional rights.
Dahil aniya dito ay posibleng maging puntirya na ng extrajudicial killings ang mga hukom.
Ibinulgar pa ni Sereno na may iniimbestigahan na silang hukom na sangkot sa iligal na droga ngunit wala naman ito sa mga pinangalanan ng Pangulo.
Mahigpit pang naging bilin ng Punong Mahistrado sa mga pinangalanang hukom na huwag susuko sa mga pulis kung wala namang warrant of arrest.
By Rianne Briones