Pinagtanggol ng isang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasapubliko ng listahan ng mga politikong sangkot umano sa iligal na droga kasabay ng panahon ng eleksyon.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, hindi intensyon ng naturang hakbang na sirain ang pangalan ng mga kumakalaban sa kasalukuyang administrasyon sa nalalapit na halalan.
Isa aniya itong tapat at mabuting hakbangin ng gobyerno para tuluyan nang matuldukan ang kaso ng drug trade na matagal nang salot sa bansa.
Katunayan aniya na marami sa naturang listahan ay kapanalig ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi rin aniya magiging dahilan ang panahon ng eleksyon para tumigil sila sa kanilang mandatong siyasatin maging ang mga nasa local government position.