Wala nang atrasan ang pagpapasara ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa 8 palengke sa bahagi ng Balintawak.
Bunsod ito ng patuloy na paglabag ng mga nangangasiwa sa mga nasabing pamilihan na may kaugnayan sa kalinisan, tamang pagtatapon ng basura gayundin sa building code.
Isinisisi naman ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa mga basurang mula sa nabanggit na palengke ang nararanasang pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Kahapon, muling nagsagawa ng clearing operations ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa mga tinderang nakahambalang sa bangketa ng EDSA Balintawak.
Dahilan upang umapela ang mga tindera kay Mayor Bautista na makipag-usap dahil sa tiyak na maaapektuhan ang kanilang kita.
Sa panig naman ng alkalde, sinabi nito na basta’t masunod lamang ang mga reglamento, hindi sila mangingiming muling pabuksan ang mga ipinasarang palengke.
By: Jaymark Dagala