Tila maagang kalbaryo ang dinaranas ng mga residente ng Southville3-NHA sa Muntinlupa City matapos ipasara ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang access road (Insular Prison Road) patungong city proper.
Kailangan pa nilang dumaan ng Las Piñas o kaya’y sa San Pedro sa Laguna bago makarating ng city proper o bayan kung saan mula 10 minuto ay inaabot na ng higit isang oras ang kanilang biyahe.
Agad namang umaksiyon ng lokal ng pamahalaan ng Muntinlupa sa panawagan ng mga taga-SV3 na mag-deploy ng libreng biyahe para sa mga apektadong residente.
Ayon kay Public Information Office chief Tez Navarro, ang mga biyahe ay mula Biazon Road via Daang Hari at Alabang-Zapote Road hanggang Starmall at pabalik ng Southville mula alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
May libre ring sakay bandang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon at patuloy din ang iba pang biyahe mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.
Sinabi ni Navarro na mismong si Mayor Jaime Fresnedi ang nag-utos kay MTMB Chief Danidon Nolasco at ibang tanggapan na magpadala ng flexi at e-jeeps sa nasabing lugar.
Aniya, puspusan ang pakikipag-ugnayan nina Fresnedi, Vice Mayor Artemio Simundac, city councilors, Barangay Poblacion officials at Congressman Ruffy Biazon sa Department of Justice (DOJ) upang mabuksan muli ang ipinasarang kalsada. —ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)