Nanawagan si Senador JV Ejercito sa tourism department gayundin sa pribadong sektor na magtulung-tulong para magpatupad ng isang malawakan promotional campaign.
Ito’y para maitampok ang iba pang magaganda at nakabibighaning tourist spot sa Pilipinas sa harap na rin ng ginawang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Ayon kay Ejercito, may nagbubukas naman na pagkakataon o oportunidad sa bawat krisis na kinahaharap ng bansa kaya’t magandang panahon ito para sumikat at makilala naman ang iba pang magagandang destinasyon sa bansa.
Magugunitang ipinasara ng pamahalaan ang isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan matapos tawagin itong cesspool o tapunan ng dumi ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa napabayaang likas yaman at kapaligiran nito.