Pinaghahandaan na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga manggagawa sa isla at airline company ang nakatakdang pagpapasara sa isla ng Boracay, Aklan.
Ito’y makaraang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules ang 6 months “closure’ upang bigyang daan ang rehabilitasyon ng isla.
Bagaman wala pang detalyadong panuntunan kung paano ipatutupad ang “closure” batay sa paunang abiso, pagbabawalan na ang pagpasok ng mga lokal at banyagang turista simula Abril 26.
Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello the Third na may pansamantalang trabaho silang i-aalok sa mga apektadong trabahador pero nasa limanlibo lamang ito o malayo sa tatlumpu’t anim na libong mawawalan ng hanapbuhay.
Samantala, kampante naman ang Department of trade and Industry na may maibibigay silang trabaho sa mga maapektuhan at handa rin silang magpautang sa mga negosyanteng pansamantalang mawawalan ng kabuhayan.
Gagamitin din ang 2 Billion Peso calamity fund para sa mga apektado tulad ng mga empleyado ng mga hotel at resort.
Lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan walang maibibigay na trabaho sa mga maaapektuhan ng Boracay closure
Aminado naman ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na wala silang maibibigay na tulong sa mga maaapektuhan ng pagsasara ng Boracay.
Ayon kay Rowen Aguirre, tagapagsalita ng Malay Local Government, hindi nila kakayanin ang pagbibigay ng financial assistance sa mahigit 36,000 mawawalan ng hanapbuhay.
Tinatayang kalahating bilyong Piso anya ang inaasahang mawawala sa kita ng lokal na pamahalaan sa sandaling magsimula na ang rehabilitasyon ng Boracay.
Samantala, aminado naman si Tourism Secretary Wanda Teo na magiging hamon para sa kanila ang susunod na anim na buwan pero kampante silang makababawi ang Boracay matapos itong ipasara.
Kakausapin din anya nila ang mga stakeholder sa Boracay para tiyaking maaaring i-rebook o mabigyan ng refund ang mga nagpa-book na ng bakasyon sa isla.